Karagdagan pondo upang mapabuti ang internet speed sa 2021, ipinanawagan ng DICT sa Senado

by Erika Endraca | October 7, 2020 (Wednesday) | 7918

METRO MANILA – Nasa P18-B ang hiniling ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na pondo para sa National Broadband Program pero mahigit P900-M lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM).

Habang P2.7-B lamang ang inaprubahan para sa free wifi for all project ng DICT na mangangailangan sana ng P6.3-B.

Kaya naman nanawagan si DICT Secretary Gringo Honasan sa mga mambabatas na madagdagan ang pondo ng ahensya para sa 2021 lalo na’t kinakailangan ang malakas na internet connection sa new normal setup sa bansa.

Mula sa 5,000 sites, plano pa ng ahensya na itaas ito sa 15,000 sa susunod na taon at 27,000 naman bago matapos ang 2022.

Mahalaga ito dahil 30% ng 47,000 barangays sa Pilipinas ang maituturing na “geographically isolated and disadvantageous areas”.

Samantala, nilinaw din ni Honasan ang kanyang naging pahayag noon na hindi umano ganoong kasama ang internet speed sa bansa.

“I apologize to the chair and to the senate president. I should have really said para medyo may positive note naman na it’s not yet that good but we are trying to improve it, wag naman yung it’s not that bad. yung ultimate beneficiaries, victims na slow internet speed, ‘pag tinanong po ninyo, ang sagot po agad is ‘nagbabayad naman kami pero walang signal o kaya ang bagal. I am working from home, i am studying from home.’ we understand that and we take full responsibility.” ani DICT Secretary Gringo Honasan.

Ayon sa National Telecommunications Commission (NTC), nangako ang Dito telecommunity na makakapagbigay ito ng minimum speed na 27 mbps.
Nangako na rin ang Globe telecom at Smart communications para sa pagpapatayo ng karagdagang cell sites.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Ano, nasa 1,171 telecommunication permits ang inaprubahan na ng local government units.

Suportado naman ng mga senador ang panawagan ng DICT at nangako si Senator Panfilo Lacson na kanilang itutulak ang pagdadagdag ng pondo sa ahensya.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,