Kampo Crame, sinugod ng mga raliyista kaugnay ng Kidapawan incident

by Radyo La Verdad | April 7, 2016 (Thursday) | 4005

PNP
Mahigit sa 50 raliyista ang binato ng pintura at nagdaos ng programa sa gate 1 ng Kampo Crame kahapon.

Bilang pagkondena nila ito sa madugong dispersal at pagkasawi ng tatlong magsasaka na nagprotesta sa Kidapawan noong Biyernes.

Isinadula ng mga protester ang peoples arrest o pag aresto kina Pres. Benigno Aquino III, North Cotabato Gov. Emmylou Mendoza at Agriculture Sec. Proseso Alcala.

Sinabi naman ng tagapagsalita ng Philippine National Police, iginagalang nila ang karapatan ng mga raliyista na magpahayag ng kanilang saloobin subalit dapat iwasan ding lumabag sa karapatan ng iba.

Kaya naman kakasuhan din nila ang grupo na paulit-ulit nang nambabato ng pintura at naninira ng pag-aari ng gobyerno.

Bukod sa gate ng Kampo Crame na binato ng pintura, may mga pulis din na tinamaan at nalagyan ng pintura ang uniporme.

Samantala, nasa 80 raliyista na ang kinasuhan ng PNP, 72 ang nasa kustodiya nila at 8 ang nasa ospital matapos ang nangyaring protesta sa Kidapawan City.

(Lea Ylagan/UNTV NEWS)

Tags: ,