Kampanya kontra iligal na droga, pinatutuloy ni PRRD kay President-elect Bongbong Marcos

by Radyo La Verdad | May 27, 2022 (Friday) | 5622

METRO MANILA – Ayon kay President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr. isa sa ibinilin sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang tungkol sa paglaban sa ilegal droga.

Ito aniya ang sinabi sa kaniya ni Pangulong Duterte sa mga nakaraan nilang pag-uusap.

Ibinahagi naman ng president-elect ang ilan sa kaniyang mga plano upang mapababa ang singil sa kuryente.

Ayon sa kaniya tinitingnan na nila ang panukala ni Energy Regulatory Commission Chair Agnes Devanadera na tanggalin ang 12% Value Added Tax (VAT) sa generation charge.

Bukod pa rito pinag-aaralan na rin ng paparating na bagong administrasyon kung papaano aamyendahan ang Electric Power Industry Reform Act o EPIRA law.

Hindi tinukoy ni Marcos kung anong partikular na probisyon sa EPIRA law ang nais niyang maamyendahan.

Pangunahing layunin ng EPIRA law na magkaroon ng dekalidad, tuloy tuloy na suplay at mababang singil sa kuryente pero kabaliktaran ang nagiging epekto nito. Nilagdaan ito bilang batas noong 2001.

Ukol naman sa foreign policy ng president-elect, ayon sa kaniya tuloy ang pagpapatatag ng bilateral relations ng Pilipinas sa China.

Sa kabila nito, handa ang president elect na ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas sa pamamagitan na rin ng patuloy na pakikipag-usap sa China.

Ayon pa kay Marcos hindi niya isasantabi ang arbitral ruling. Ang arbitration ruling ay naipanalo ng Pilipinas noong 2016 sa Permanent Court of Arbitration na nagsasaad na walang basehan ang pag-aangkin ng China sa halos kabuuan ng South China sea.

Tungkol naman sa agrikultura, ayon kay Marcos Junior kailangang tulungan ng pamahalaan ang mga maliliit na magsasaka sa pamamagitan na rin ng paggamit ng mga makabagong teknolohiya at istratehiya.

Ayon pa kay Marcos Junior, muli nilang pag-aaralan ang pagpapatupad ng Rice Tarrification Law kung saan dapat aniyang matiyak na hindi masasapawan ang mga local farmer dahil sa pag-aangkat ng bigas.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: , ,