Kamara, iimbestigahan ang nangyaring aberya sa NAIA

by Radyo La Verdad | August 20, 2018 (Monday) | 1925

Pagpapaliwanagin ng House Committee on Appropriations ang mga opisyal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung bakit tumagal pa ng ilang araw bago nalinis ng tuluyan ang run way ng paliparan kasunod ng pagsadsad ng isang eroplano ng Xiamen Airlines noong Biyernes. Libo-libong pasahero ang na-stranded sa NAIA at sa iba pang paliparan sa buong bansa.

Ayon kay Committee Chairman Cesar Sarmiento, nais nilang matiyak ang kahandaan ng mga airport personnel sa mga ganitong uri ng insidente upang hindi na maulit pa.

Pero ayon kay Metro Manila Development Committee chairman Winnie Castelo, dapat mayroong managot dahil isang malaking kahihiyan sa bansa ang nangyari.

Suhestiyon naman ni Deputy Speaker Prospero Pichay, panahon na para ilipat sa Clark International Airport ang lahat ng international flights sa NAIA dahil conjested na masayado ang runway doon.

Nito lamang Pebrero, binigyan ng noo’y house speaker na si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang mga airline company ng 45 araw para ilipat sa Clark International Airport ang ilan sa kanilang internatonal flights.

Pero sa pangalawang pagkakataon ay humingi ng extension ang mga airline company dahil marami pa umano silang kailangang isaayos.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,