Kamara, handa nang busisiin ang P5.024-T 2022 national budget

by Erika Endraca | August 24, 2021 (Tuesday) | 41658

METRO MANILA – Tiniyak ni House Speaker Lord Allan Velasco na dadaan sa maingat na pagbusisi ng House of Representatives ang isinumiteng P5.024 -T 2022 proposed national budget ng administrasyong Duterte.

Ayon sa House Speaker, handa na ang Kamara para sa deliberasyon ng budget at partikular na titingnan nilang mabuti ay ang P240.75-B na pondo sa COVID-19 response.

Kahapon (August 23), isinumite ng executive branch sa House of Representatives ang panukalang budget.

Sa budget message ni Pangulong Rodrigo Duterte, nanawagan siya sa mga mambabatas para sa agarang pagpapasa ng pambansang pondo para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayan sa hinaharap pang epekto ng pandemya.

Aniya ito ang magiging susi ng tagumpay laban sa COVID-19 sa susunod na taon.

Ayon kay Presidential Spokesman Sec. Harry Roque, nakapaloob sa panukalang pondo ang budget para sa COVID-19 response ng pamahalaan.

“Itong 2022 national expenditure program sangayon sa DBM ay binuo para magbigay ng pondo at suporta sa lahat po ng mga pangangailangan natin habang tuloy tuloy pa rin ang COVID-19 pandemic at para masustain ang tranjectory ng ating economic growth at magpatuloy ang legacy ng infrastructure development” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Kabilang sa planong pondohan sa ilalim ng 2022 natl budget ang pagbili ng 758, 700 sets ng Personal Protective Equipment (PPE) na may P819-M na budget. P5.1-B para sa genexpert cartridges na ginagamit sa COVID-19 testing.

P17-B budget para sa patuloy na hiring ng health care workers. P45.4-B para sa covid 19 booster shots sa fully vaccinated na mga Pilipino at P19.6-B para sa konstruksyon at pagsasaayos ng mga ospital.

P983-M naman ang ilalaan para sa pagtatayo ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines at P140-M para sa Philippine Genomic Information and Resource Hub para sa pagpapalakas ng bio surveillance sa COVID-19 variants.

Target na maipasa ng kamara ang panukalang budget bago ang filing ng Certificate of Candidacy sa COMELEC sa Oktubre.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: , , ,