Isa sa naging konsiderasyon ng Commission on Elections upang isantabi ang paggamit ng hybrid system sa 2016 polls ay ang laki ng magagastos.
Sa taya ng poll body kung gagamitin ang Precinct Automated Tallying System o PATAS na isinusulong ng grupo ni dating Comelec Commissioner Gus Lagman, 36.8 billion pesos ang magagastos at maaring aabutin pa ito ng 39.7 billion pesos kung magiging 4 ang Board of Election Inspectors sa mga presinto upang may mamamahala sa laptop count.
Ang problema ayon sa Comelec ang kabuoang budget para sa halalan sa susunod na taon ay 20.5 billion pesos lang.
Giit ni Lagman, masyadong malaki ang estimate ng Comelec.
Sinabi ni Lagman nasa apat hanggang anim na bilyong piso lang ang magagastos ng pamahalaan para sa mga kagamitang kakailanganin sa hybrid election system tulad ng mga laptop at projector.
Kung idadagdag pa ang logistics cost at bayad para sa mga guro na magsisilbi sa halalan hindi umano ito lalampas ng 10 bilyong piso.
Batay sa napagkasunduan ni Lagman at Comelec Chairman Andres Bautista sa kanilang pulong noong Lunes, magsusumite sa Comelec ng kompyutasyon ng magagastos sa patas system ang grupo ni Lagman upang maikumpara sa datos ng poll body.
Iginiit din ng dating poll official na hindi 230,000 kundi 150,000 o pinakamarami na ang 200,000 precints ang kakailanganin kung hybrid ang sistemang gagamitin sa eleksyon.
Aminado rin si Lagman na mabagal talaga ang proseso ng manual counting sa presinto pero 5-12 hours lang ang madadagdag sa dating proseso kapag PCOS ang ginamit.
Ngunit bukod sa mahal at mabagal kasama sa binabanggit na dahilan ng Comelec upang huwag gamitin ang hybrid system ay ang kawalan ng batayan sa kasalukuyang batas at hindi pa develop ang software na kakailanganin para dito.
Nanindigan din ang poll body na gaya ng ipinakita sa demo ng patas, may panganib ng pagkakamali kung hybrid system ang gagamitin.
Tags: Comelec Chairman Andres Bautista, Comelec Commissioner Gus Lagman, Commission on Elections