Kaligtasan ng mga 17 Pilipinong na-hostage sa Red Sea, tinututukan ngayon ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | November 24, 2023 (Friday) | 13962

METRO MANILA – Sinisiguro ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ginagawa ng kaniyang administrasyon ang lahat upang matiyak nito ang kaligtasan ng labing-pitong (17) Pilipinong na-hostage matapos ma-hijack ang sinasakyan nitong cargo vessel na Galaxy Leader sa Red Sea nitong Linggo, November 19.

Ayon sa Pangulo, nakikipag-ugnayan ngayon ang Departmant of Foreign Affairs (DFA) sa mga bansang Iran, Oman, Qatar at Saudi Arabia upang bantayan ang kasalukuyang sitwasyon.

Patuloy rin aniya ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pakikipag-usap sa pamilya ng mga biktima upang ipag-alam ang kalagayan ng mga ito.

Kinumpirma ng DFA nitong Miyerkules (November 22) na kabilang ang 17 Pilipino seafarers sa 25 crew members ng Galaxy Leader na nabihag ng mga rebeldeng grupo na Houthi.

Ayon sa ilang ulat, target ng mga Houthi ang mga barkong may kaugnayan sa bansang Israel at maging ang mga bansang kaalyado nito.

(Jasha Gamao | La Verdad Correspondent)

Tags: ,