Isa sa nais ipawalang-bisa ng mga petisyon laban sa war on drugs ang Command Memorandum Circular 16-2016 ng Philippine National Police.
Sa naturang kautusan, pinapayagan umano ang mga pulis na patayin ang mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga, ito umano ang ibig sabihin ng “neutralization” o “negation”.
Sa oral arguments sa Korte Suprema kahapon, nabanggit ni Senior Associate Justice Antonio Carpio na mismong si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang nagsabing isa sa kahulugan ng pag-“neutralize” ay pagpatay sa mga suspek. Mababasa rin aniya ito sa report ng PNP tungkol sa mga operasyon kontra iligal na droga.
Ayon naman kay Associate Justice Marvic Leonen, kung malabo man ang kahulugan ng pag-“neutralize” at “negation” sa mga suspek, malinaw naman na binabanggit sa circular na dapat istriktong igalang ng mga pulis ang karapatang pantao sa kanilang mga operasyon.
Pero sabi ni Atty. Jose Manuel Diokno ng Free Legal Assistance Group, hanggang salita lamang ito at iba ang nangyayari sa aktwal na operasyon ng mga pulis.
Ayon naman kay Solicitor General Jose Calida, sariling paniwala lamang ng mga petitioner na pagpatay ang ibig sabihin ng pag-“neutralize” o negation sa mga drug suspect.
Itutuloy ng Korte Suprema ang oral arguments sa susunod na Martes at isa sa pinadadalo si General Dela Rosa.
Ayon kay Atty. Joel Butuyan ng Center for International Law, mas maganda na rin ito upang malinawan mismo mula sa PNP Chief ang ibig sabihin ng pag-“neutralize” sa mga suspek.
( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )