2 drug suspects sa Makati City, patay sa engkwentro sa mga pulis

by Radyo La Verdad | July 25, 2018 (Wednesday) | 3666

Humantong sa habulan at barilan sa pagitan ng mga pulis at dalawang drug suspects ang simultaneous anti-criminality and law enforcement operation na isinagawa sa Laperal Compound, Guadalupe Viejo, Makati City pasado alas onse kagabi.

Ayon sa hepe ng Makati City Police Station, ilang oras bago nangyari ang engkwentro ay nahuli sa operasyon ang isa pang drug pusher sa lugar. Kinilala ito sa pangalang Ariel Quiñagan alyas Amet, bente tres anyos.

Nang isailalim umano sa tactical interrogation si Quiñagan ay itinuro nito ang dalawang suspek na supplier umano nito ng shabu.

Agad nagsagawa ng follow-up operation  ang mga pulis upang tugisin ang mga suspek ngunit pinaputukan umano nito ng baril ang mga otoridad. Napilitan  lumaban ang mga pulis na nauwi sa pagkakapatay sa dalawang suspek.

Na-recover sa suspek ang isang caliber .22 magnum at isang caliber 9mm na baril kabilang ang mga bala nito at isang m26 hand grenade.

Nakuhanan rin ang mga ito ng pitong sachet ng hinihinalang shabu, higit labinglimang gramo ng tuyong dahon ng marijuana, at ilang drug paraphernalia.

Patuloy pang iniimbestigahan ng Makati City police ang operasyon ng mga suspek.

 

( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )

Tags: , ,