Kahilingan ng isang batang may special needs tinugunan ng Serbisyong Bayanihan

by Erika Endraca | January 26, 2021 (Tuesday) | 2376

Hindi mapagsidlan ang tuwang naramdaman ni Lucita at ng anak nitong si Nicholas dahil natanggap na nila ang kanilang munting hiling sa Serbisyong Bayanihan.

Hindi na rin naitago ang luha ng host ng programa na si Congresswoman Bernadette Herrera dahil ang nakipag-ugnayan pala sa ating programa ay ang batang may special needs na si Nicholas.

Walang kaalam-alam si Lucita sa ginawang ito ng kanyang anak kaya laking gulat nito nang may tumawag sa kanila mula sa ating programa.

Hindi naman din inaasahan ni Nicholas na mapapansin ang kaniyang kahilingan na nai-comment niya sa isang live session ng programa sa YouTube.

Gaya ng karamihang estudyante, online na rin ang talakayan nina Nicholas sa kaniyang paaralan kaya naman munting pangarap nito ang magkaroon ng sariling tablet na magagamit sa online class.

Hiniling din niya ang pang-maintenance na gamot nilang dalawa ng kaniyang ina na nagkakahalaga ng halos Php 1,200.00.

May maliit na sari-sari store sina Lucita ngunit dahil sa kinakaharap na mga problemang dulot ng pandemya ay hindi nito matustusan ang pambili ng mga gamot.

Kaya naman laking pasasalamat ng mag-ina dahil natanggap na nila ang kanilang munting kahilingan kasama ang pangdagdag puhunan para sa maliit nitong tindahan na siya’ng labis na ikinatuwa’t hindi inaasahan ni Lucita lalung-lalo na sa kaniyang anak na siya’ng unang gumawa ng hakbang upang matulungan ang kaniyang mga magulang.

(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: