Kahalagahan na maipasa ang isinusulong na tax reform packages, iginiit ng Malacañang

by Radyo La Verdad | August 30, 2018 (Thursday) | 9422

Gaya ng nakasaad sa Saligang Batas, dapat matukoy kung saan manggagaling ang pondo para sa mga partikular na gastusin ng pamahalaan.

Kaya nanindigan si Budget Secretary Benjamin Diokno na dapat maipasa ang tax reform packages ng administrasyon upang magkaroon ng pagkukunan ng pondo sa mga proyektong nangangailangan ng dagdag na pondo, partikular na sa mga ahensyang binawasan ng panukalang pondo para sa taong 2019.

Ibig sabihin, bagaman kaunting panahon na lang ang nalalabi bago ang election period. Kung hihiling ng supplemental budget para sa mga partikular na proyekto, dapat munang maipasa ang nalalabing tax reform measures ng administrasyon tulad ng package 1B, 2, 2 plus, 3 at 4.

Kinumpirma rin ni Diokno na nagkaroon na ng kasunduan ang economic managers sa mga mambabatas partikular na kina House Committee on Appropriations Chairman Congressman Karlo Nograles at House Majority Floor Leader Roland Andaya Jr. hinggil sa 2019 proposed national budget.

Ito ay ang pagkaroon ng transitory cash-based budgeting system sa loob ng susunod na tatlong taon gaya na rin ng isinasaad sa panukalang budget reform.

Ayon sa kalihim, sa ilalim ng panukalang pondo para sa taong 2019, pinalalawig pa ang payment period para sa mga proyekto sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, iba sa naunang panukalang sa loob lang ng isang taon popondohan ang mga partikular na gastusin.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,