‘Kafala’ o sponsorship system sa Middle East, sanhi umano ng OFW abuse – Presidential adviser

by Radyo La Verdad 1350 | February 22, 2018 (Thursday) | 3820

Mayroong 196 na inisyal na kaso ng pagkamatay ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa bansang Kuwait sa ngayon. Kabilang sa mga kasong ito ang karumaldumal na pamamaslang kay Joanna Demafelis, ang Pinay OFW na inilagay sa freezer sa loob ng isang taon.

Kaya naman sa pagdinig kahapon ng Senate Committee on Labor Employment and Human Resources Development tungkol sa isyu, kinondena ni Presidential Adviser on OFW Concerns  Sec. Abdullah Mamao ang Kafala o sponsorship system na ipinatutupad sa mga bansa sa Gulf region. Dito umano nag-uugat ang pang-aabuso sa mga OFWs.

Sa ilalim ng Kafala system, ang employer ang magbabayad ng placement fee at iba pang gastos ng OFW upang makapagtrabaho sa Middle East. Kapalit nito ay ang paghahawak ng employer ng visa, passport at iba pang papeles ng OFW hanggang sa matapos ang kanilang kontrata.

Dahil dito, hirap na tumakas ang isang migrant worker sa kanyang amo kapag nakararanas na ito ng pang-aabuso. Kaya naman isinusulong ng grupong Migrante na mabigyan ng pamahalaan ng mas matibay na proteksyon ang mga OFW. Gaya na lamang ng paghiling sa Gulf countries na i-abolish ang “Kafala” system.

Sa darating na February 28 ay magkakaroon naman ng pagpupulong ang Kuwaiti at Philippine Government upang hilingin na payagan ang mga Overseas Filipino Workers na ang humawak sa kanilang mga passport o ang Philippine labor attaches at embahada, gayundin ang payagang makagamit ng cellphones ang mga domestic helpers.

 

(Mai Bermudez/UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,