METRO MANILA – Hindi pa tiyak kung hanggang kailan magpapatuloy ang inflation o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kaya bilang tugon sa krisis sa pagkain, mas papalawigin pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior ang Kadiwa store sa bansa.
Sa kanyang pagbisita sa Cebu City kahapon (February 27), binigyang diin ng pangulo ang kahalagahan na magkaroon ng access ang publiko sa mas murang pagkain.
Ayon kay Pangulong Marcos Junior, bukod sa makatutulong ito sa mga lokal na magsasaka, mangingisda at mga maliliit na negosyante, malaking tulong rin ito sa mga pilipinong iniinda ang mataas ng presyo ng mga bilihin sa merkado.
Sa Kadiwa store, mabibili ang 1kl. NFA rice sa halagang P25. Habang P200 kada kilo naman ang pulang sibuyas at P90 per kilo ang bawang. Mas mura din ang presyo rito ng karne, prutas at gulay.
Pinangunahan rin ng pangulo ang ground breaking ceremony para sa housing project sa Cebu sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program (4PH) ng Marcos administration.
Ayon kay PBBM, malaking hamon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DSHUD) ang makapagtayo ng 1 milyong pabahay kada taon.
Target ng Marcos government na makapagtayo ng 6 na milyong housing units hanggang taong 2028.
(Nel Maribojoc | UNTV News)
Tags: Kadiwa Store, PBBM