Kababaihan, kasama sa panukalang mandatory ROTC ng gobyerno — Sen. Dela Rosa

by Radyo La Verdad | November 30, 2022 (Wednesday) | 8797

METRO MANILA – Kasali ang mga kababaihan sa panukalang mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program ng gobyerno.

Ayon kay Senator Ronald Dela Rosa, sa ilalim ng bersyon ng panukala ng gobyerno, walang exemption sa mga dadaan sa ROTC at hindi makaka-graduate ang hindi sasailalim sa programa.

Kaiba aniya ito sa Senate Bill na inihain ng senador kung saan may ilang estudyante ang maaaring ma-exempt sa mandatory ROTC gaya ng varsity players, foreign students at may kaugnayan sa relihiyon.

Una nang hiniling ni Pangulong Ferdinand  Marcos Jr. sa Kongreso sa kanyang State of the Nation Address na magpasa ng batas na gawing mandatory ROTC sa Senior High School.

Dagdag ng senador, posibleng sa unang 2 taon ng kolehiyo ipatupad ang mandatory ROTC program at hindi sa Senior High School.

Aabot kasi aniya sa P9.20B ang kakailanganin kapag iminandato ang ROTC sa secondary level.

Pero ang ilang grupo, mas gustong sa Senior High School ibalik ang mandatory ROTC at masimulan ang pagtuturo ng basic military training at pagka-makabayan habang bata pa.

Kumpiyansa si Sen. Dela Rosa na maipapasa na ang mandatory ROTC program sa 2023.

Bubuo na ng technical working group ang Senate Panel para isapinal ang bersyon ng panukalang batas.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: , ,