Bukas si John Paul Solano sa ideya na maging state witness sa kaso ng pagkamatay ni Horacio “Atio” Castillo III.
Kasunod ito ng naging executive session sa senado kung saan inihayag ng itinuturing na principal suspek sa krimen ang mga indibidwal na sangkot sa initiation rites sa hazing victim.
Pero ayon kay Solano, may ilang senador din ang hindi pabor na gawin siyang state witness. Sang-ayon sa batas, ang hukuman ang magpapasya kung gagawing state witness ang isang akusado kung siya ang pinaka least guilty sa hanay ng mga suspects.
Inilabas naman ng Manila Police District ang listahan ng mga opisyales ng fraternity na nag organisa umano sa initation rites ni Castillo.
Ang mga ito ay sina:
Arvin Balag – Grand Praefectus
Mhin Wei Chan – Vice President
Marc Anthony Ventura – Secretary
Axel Munro Hipe – Master Initiator
Oliver John Audrey Onofre – Auditor
Joshua Joriel Macabali – PRO
Jason Adolfo Robiños – Treasurer
Ralph Trangia – Sgt. at Arms
Galing ang listahan sa UST Faculty of Civil Law na ibinigay rin sa ginanap na pagdinig ng senado sa pagkamatay ni Atio.
Ang mga nasa listahan ay kabilang sa mga sinampahan ng MPD ng reklamong murder, robbery, obstruction of justice, perjury at violation of anti hazing law sa Department of Justice.
Samantala, isang miyembro ng Aegis Juris Fraternity ang dumalaw kay Solano kanina. 30 minuto itong namalagi sa MPD at itinangging may kinalaman siya sa initiation rites kay Atio.
Ayon kay Solano, hindi niya kilala ang nagpakilalang miyembro ng Aegis Juris Fraternity at kinumusta lamang umano nito ang kaniyang kalagayan.
( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )