Job order para sa mga Pilipinong manggagawa sa Kuwait, muling tumaas

by Radyo La Verdad | June 27, 2018 (Wednesday) | 3664

Matapos malagdaan ang kasunduan para sa proteksyon ng mga Pilipinong manggagawa at bawiin ng Pilipinas ang deployment ban ng overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait, muling tumaas ang job order para sa mga OFW.

Ayon sa Philippine Overseas Labor and Office (POLO) sa Kuwait, araw-araw ay dagsa ang mga Kuwaiti employer na nagpupunta sa kanilang tanggapan upang magsumite ng job order.

Sinisiyasat ng POLO ang aplikasyon ng mga Kuwaiti employers kung nasusunod ang bagong panatuntunan sa pagtanggap ng mga Pilipinong manggagawa sa bansa.

Kasama sa mga kondisyon sa kasunduang nilagdaan ng Philippine at Kuwaiti government ang hindi pagkumpiska sa passport ng mga OFW, payagan silang makagamit ng cellphone, mabigyan ng isang araw na day-off sa isang linggo at payagang makatulog ng pitong oras sa isang araw.

Inatasan naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga foreign placement agencies (Foreign Recruitment Agencies ) o FRAs na magreport kung nasusunod ang guidelines sa recruitment ng mga Pilipinong manggagawa lalo na pagdating sa mga household service worker.

Pero para sa FRA, mahalaga na magkaroon na ng bagong ambassador ang Philippine Embassy sa Kuwait upang makatulong sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaan ng Kuwait.

Hindi pa napalitan si Ambassador Renato Villa na una ng idineklarang persona non grata ng Kuwaiti Government.

Samantala, inihayag naman ng Malakanyang na posibleng bumiyahe si Pangulong Rodrigo Duterte patungong Kuwait sa buwan ng Agosto o Setyembre.

Nais ng Pangulo na personal na pasalamatan ang Kuwaiti Government sa commitment nitong mapangalagaan ang karapatan ng mga overseas Filipino worker (OFW) matapos lagdaan ang isang kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa.

 

( Mylene Soriano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,