Job Fair Task Force, bubuoin ng DOLE upang hikayatin na ring umuwi sa Pilipinas ang mga OFW sa Saudi at Qatar

by Radyo La Verdad | March 5, 2018 (Monday) | 3052

Magsasagawa ng job fair at skills profiling sa mga overseas Filipino worker sa Kingdom of Saudi Arabia at Qatar ang Department of Labor and Employment.

Ito ay sa pamamagitan ng bubuoing Job Fair Task Force na layong hikayatin ang ating mga OFW sa mga naturang bansa na umuwi na lang at dito maghanap-buhay.

Ayon kay Labor Secretary Silvestr Bello III, nagbigay umano ng mandato na pangunahan ng DOLE ang POEA at Bureau of Local Employment o BLE.

Pagkatapos ay pupulungin ang mga employer sa bansa para pangangalap ng mga trabahong maaring pasukan ng mga OFW.

Ayon kay Sec. Bello, nangangailan ng labing walong manggagawa ngayon ang bansa kaya hinihikayat nilang dito na lang mag-trabaho ang ating mga kababayan na nasa Middle East.

Tinitiyak din ng DOLE na ang ibibigay nilang trabaho sa mga OFW ay tugma sa kanilang kakayahan o skill upang maiwasan ang job mismatch.

Isasangguni rin sa TESDA ang mga OFW na nangangailangan ng karagdagang kasanayan na kakailangain ng mga employer na makikiisa sa dole sa pagbibigay ng trabaho sa mga OFW.

Ang OWWA naman ang magbibigay ng welfare assistance sa job fair at maging ang pagpapauwi sa mga distressed OFWs.

Matatandaang,  ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagpapauwi na sa Pilipinas ng mga OFW na nasa mga bansang maraming kaso ng pang-aabuso at upang huwag nang maulit ang sinapit ni Joanna Demafelis.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,