Hindi na mapipigilan ang protest caravan na isasagawa ng mga operator at tsuper ng jeep sa mga tanggapan ng Land Transportation Office Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa iba’t-ibang lugar sa bansa ngayong araw.
Pangungunahan ang kilos-protesta ng grupong Pinagkaisahang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) at ng “No to Jeepney Phase Out Coalition”.
Layon ng grupo na patuloy na tutulan ang jeepney phase out na isinusulong ng pamahalaan. Hiling din ng mga jeepney operators sa LTFRB ang pagsasauli ng siningil na taripa ng ahensya.
Mula sa harapan ng opisina ng National Housing Authority (NHA) sa Eliptical Road ay tutulak ang protest caravan sa haparan ng main office ng LTFRB sa East Avenue.
Kasabay nito ay magsasagawa rin ng kilos-protesta sa harapan ng tanggapan ng Department of Transportation (DOTr) sa Baguio City, maging sa ibang regional offices ng LTFRB sa San Fernando Pampanga, Lipa City, Legaspi City, Cebu City at Davao City.
Nakatakdang magtipon-tipon ang ilang mga operator at tsuper ng jeep sa Eliptical Road sa Quezon City simula alas otso ngayong umaga.
Bagaman walang abisong road closure sa mga nabanggit na lugar ay asahan ang mabigat na trapiko.
Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa alternatibong daan upang makaiwas sa aberya dulot ng trapiko bunsod ng mga naturang kilos-protesta.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )
Tags: jeepney phase out, kilos-protesta, LTFRB