JBC, handa na sa pagsala ng mga aplikasyon para sa susunod na chief justice

by Radyo La Verdad | May 14, 2018 (Monday) | 5435

Noong Biyernes, idineklara ng Korte Suprema na bakante ang posisyon ng chief justice.

Ito ay matapos na patalsikin sa pwesto si Chief Justice Maria Lourdes Sereno dahil sa pagsang-ayon ng nakararaming mahistrado na walang bisa ang pagkakatalaga kay Sereno bilang chief justice noong 2012.

Inatasan din ng SC ang Judicial and Bar Council (JBC) na simulan ang proseso sa paghanap ng bagong punong mahistrado.

Base sa Article 8, Sec. 4 ng konstitusyon, kailangang mapunan ang pwesto sa loob ng 90 araw.

Ang JBC ang nagsasala sa mga aplikante sa hudikatura; binubuo ito ng ex-officio members kabilang na ang chief justice na sa kasong ito ay gagampanan ni acting CJ Antonio Carpio, Justice Secretary Menardo Guevarra, Sen. Richard Gordon, Cong. Reynaldo Umali, Maria Milagros N. Fernan-Cayosa mula sa Integrated Bar of the Philippines, Jose V. Mejia mula sa academe, Justice Jose C. Mendoza na isang retiradong miyembro ng Korte Suprema at Toribio E. Ilao Jr. na kinatawan mula sa pribadong sector.

Ayon kay DOJ Secretary Menardo Guevarra, dahil hindi pa pinal at maaari pang iapela sa pamamagitan ng motion for reconsideration ang desisyon ng mga mahistrado sa quo warranto case laban kay Sereno, hindi pa napagkakasunduan ng komite kung kailan maaaring magpasa ng aplikasyon sa pagka-punong mahistrado.

Dapat ay 40 taong gulang pataas ang edad ng nominee at may 15 taong experience bilang isang abogado o lower court judge.

Ang mga mag-aapply at manonomina ay dadaan sa public interview. Susukatin ang kanilang kaalaman sa batas, integridad, independence, kondisyong pisikal, mental, emotional.

Kailangan ring magpasa ng dokumento ang mga ito tulad ng SALN, medical at psychological records.

Matapos nito, magbobotohan ang JBC sa isang executive session ng isasa sa shortlist ng mga kandidato.

Ang shorlist na ito ang ipapasa sa pangulo kung saan ito pipili ng susunod na chief justice.

Umaasa naman ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na ang susunod na punong mahistrado ay isang senior member ng Korte Suprema.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,