Janssen COVID-19 vaccine, inirekomenda na magamit bilang booster sa Pilipinas – VEP

by Radyo La Verdad | February 1, 2022 (Tuesday) | 5375

85% ang nakitang efficacy rate ng booster dose ng Janssen o J&J Covid-19 vaccine upang maagapan ang pagkakaospital ng mga nabakunahan nito. Ibinatay ito sa phase 3 clinical trial  na isinagawa sa South Africa ng South African Medical Research Council kung saan dominant din ang omicron variant.

“There’s an early decoupling of data, ibig sabihin, tumaas man  ang omicron pero iyong kanilang hospitalization ay bumaba ang mga severe and critical cases. The vaccination and presence of omicron in South Africa it has been demonstrated din naman”, ayon kay Dr. Gerald Belimac, member, Vaccine Expert Panel.

Ayon sa Vaccine Expert Panel ng Pilipinas, maganda ang ipinapakitang datos ng Janssen bilang homologous o heterologous booster dose. Kaya naman makaranas man ng breakthrough infection ang isang indibidwal, kapag nabigyan na ng booster dose, maiiwasan ang severe at critical Covid-19 infection dulot ng omicron variant of concern.

“Globally we see infection rates are going up, the number of cases going up but the hospitalization rates and ICU admissions are declining. That’s good news that means the vaccine is working. Manila is now heading towards level 2 which is really good news, the vaccination rates in Manila are pretty high”, ani Dr. Gerald Belimac.

Ayon naman kay VEP Head at Technical Working Group for Covid-19 vaccines Dr. Nina Gloriani, inirekomenda nila ang Janssen na booster dose para sa mga fully vaccinated ng ibang Covid-19 vaccine brands.

Nguni’t dahil wala pang sapat na supply nito sa Pilipinas, hindi pa ito kasama sa listahan ng mga maaaring ibigay na booster sa mga Pilipino.

Magbibigay aniya ng go signal ang vaccine cluster   sa pangunguna ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvex, Jr. kung kailan maaaring ibigay na booster ang Janssen.

Ayon pa kay Dr. Gloriani, kailangan pa ring maghintay ng ilang panahon upang maibigay na booster ang Janssen sa mga fully vaccinated na nito.

Matatandaang ang Janssen ay single dose vaccine gaya ng sputnik light.

Muli namang tiniyak ng VEP na maaaring kunin na booster ang mga kasama sa listahan ng mga bakuna dahil dumaan ito sa kanilang pagsusuri na ligtas at makapagbibigay proteksyon laban sa anomang uri ng variants of concern gaya ng delta at omicron.

Aiko Miguel | UNTV News

Tags: , , , ,