Janet Napoles, gagawing testigo sa PDAF Scam – Aguirre

by Radyo La Verdad | May 9, 2017 (Tuesday) | 6296


Pabubuksan muli ng DOJ ang imbestigasyon sa kontrobersyal na PDAF Scam.

At mula sa umano’y pagiging ‘mastermind’, posibleng kunin na ring testigo si Janet Lim Napoles.

Ayon kay Justice Sec. Vitalianio Aguirre, depende ito kung masusuportahan ng mga dokumento ang sasabihin ni Napoles.

Dati nang kinonsidera ng DOJ sa panahon ng noo’y Secretary Leila de Lima ang posibilidad na gawing testigo si Napoles.

Lumabas pa noon ang tinaguriang ‘Napolist’ o listahan ng mga mambabatas na isinasangkot din sa PDAF Scam.

Samantala, abswelto na sa kasong serious illegal detention si Napoles matapos baliktarin ng Court of Appeals ang hatol ng Makati RTC.

Nahatulang mabilanggo ng habang buhay si Napoles dahil sa sapilitan umanong pagpapakulong kay Benhur Luy sa isang retreat house sa Makati City noong 2013.

Pero sabi ng CA kulang ang ebidensiya laban kay Napoles kaya’t dapat itong palayain.

Ayon sa abogado ni Napoles, malaki ang epekto ng pag abswelto kay Napoles sa kredibilidad ni Benhur Luy bilang testigo.

Pero hindi pa tuluyang makakalaya si Napoles dahil nahaharap pa siya sa mga kasong plunder at katiwalian kaugnay ng Pork Barrel Scam.

(Roderic Mendoza)

Tags: , ,