Isyu sa West Philippine Sea, isusulong ni Pangulong Aquino sa ASEAN-US Summit

by Radyo La Verdad | February 15, 2016 (Monday) | 1657

JERICO_PNOY
Igigiit ng Pangulong Aquino sa ASEAN US Leader’s Summit sa Sunnylands California ang usapin sa West Philippine Sea.

Sa departure speech ni Pangulong Aquino kanina, binigyang diin nito na kaisa aniya ng Pilipinas ang Estados Unidos sa pagsusulong ng rule of law sa karagatang sakop ng bansa.

Nagsisilbing pundasyon aniya ng magandang ugnayan ang pagkilala sa karapatan ng bawat bansa.

Dagdag pa ng pangulo, ibabahagi umano nito ang ambag ng kaniyang administrasyon para sa pagtugon sa isyu ng extremism at kawalan ng estabilidad.

Ilalatag din nito ang mga kongkretong hakbang na ipapatupad ng kaniyang administrasyon sa kabila ng pagkabinbin ng Bangsamoro Basic Law.

Pagkatapos ng pakikipagpulong kay US Pres.Barack Obama at mga head of state ng ASEAN, magtutungo ito sa Los Angeles California para sa isang working visit.

Makikipagpulong ang pangulo sa Filipino community at sa ilang grupo ng mga negosyante kabilang ang mga executive ng Disney sa Los Angeles upang humikayat ng mga mamumuhunan sa bansa bago ito magtungo sa Loyola Marymount University sa California upang tumanggap ng honorary degree mula sa nasabing pamantasan.

(Jerico Albano / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,