Libo-libong mga raliyista ang nakatakdang magmartsa sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa darating na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-23 ng Hulyo.
Kaya naman naghahanda ang Philippine National Police (PNP) upang maging maayos at payapa ang kilos protesta. Isang ocular inspection ang isinagawa ng PNP kasama ang mga militante sa pagdadausan ng pagkilos.
Batay sa napagkasunduan ng PNP at mga militanteng grupo, sa area ng St. Peters Church sa Commonwealth Avenue isasagawa ang programa ng mga militante.
Ang mga militante na mismo ang pumili ng lugar dahil mas maluwag ang tapat ng St. Peter kumpara sa dating venue sa IBP Road.
Isang malaking stage ang ihahanda ng mga militante dahil iisang programa na lamang ang kanilang isasagawa. Humiling rin ang militante na kung maaari ay huwag masyado lumapit ang mga pulis sa mga raliyista.
Alas dos ng hapon magsisimula magmartsa ang mga militante at alas tres ng hapon magsisimula ang kanilang programa. Tiniyak ng mga ito na alas sais y medya ay lilisanin na nila ang rally area.
Nagreklamo naman ang isang establisyemento na malapit sa rally area. Humingi naman ng pang-unawa ang mga militanteng grupo.
Pitong libong pulis ang idedeploy ng PNP sa araw ng SONA.
Ayon sa PNP, hindi sila maglalagay ng barbwire sa rally area at container van subalit naka posisyon ang civil disturbance management ng PNP.
Sinigurado rin ng mga militanteng grupo na hindi na sila magtatangkang lumapit pa sa Batasang Pambansa.
Maglalagay rin ng zipper lane sa kahabaan ng Commonwealth Avenue para maiayos ang daloy ng trapiko.
Batay sa plano ng PNP at MMDA, para sa mga northbound lane vehicles, magsisimula ang zipper lane sa tapat ng Mc Home Depot at exit sa may Lido Restaurant para sa mga papunta ng Batasan at exit sa Sandigan sa papunta ng Fairview.
Inaasahan na ipatutupad ang zipper lane bandang tanghali sa ika-23 ng Hulyo.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )