Isang pamilya sa Antipolo, Rizal, muling makakabangon sa kahirapan sa tulong ng Serbisyong Bayanihan

by Erika Endraca | February 10, 2021 (Wednesday) | 8818

METRO MANILA – “Magandang regalo” kung ituring ni Katherine Recaido mula sa Antipolo, Rizal ang naipaabot na tulong ng Serbisyong Bayanihan sa kaniya.

Pagtitinda ng street food ang dating ikinabubuhay nina Katherine pero dulot ng pandemya ay nawalan ng trabaho ang kaniyang asawa at naubos na din ang kanilang pampuhunan sa negosyo.

Dumaranas din si Katherine ng allergies na dagdag pasanin sa kanilang araw-araw na pamumuhay.

Kaya nang malaman nito ang ginagawang pagtulong ng Serbisyong Bayanihan sa mga kababayan na kapos sa buhay ay hindi na ito nagatubili pang humingi ng tulong sa programa.

Sa awa ng Dios, ay kaagad namang natugunan ang kahilingan ni Katherine na mabigyan ng pangpuhunan sa kaniyang negosyo na agad nitong sisimulan upang muling makabangon sa kahirapang nararanasan.

Binigyan din ng mga relief goods at gamot sina Katherine upang kahit papano’y malamnan ang mga kumakalam na sikmura.

Labis-labis naman ang pasasalamat ni Katherine sa Dios maging sa mga sponsors at sa programa dahil sa awa at tulong ng Dios ay handa na silang bumangon at magsimulang muli.

(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: