Isang pamilya, natabunan sa landslide sa Surigao del Sur, 3 patay

by Radyo La Verdad | February 13, 2018 (Tuesday) | 6594

Tatlo ang nasawi ng matabunan ng lupa ang bahay ng isang pamilya sa Carrascal, Surigao del Sur kaninang madaling araw. Kinilala ang mga biktima na sina Irene Benguilo, ang mga anak nitong sina AJ, anim na taong gulang at MJ, tatlong taong gulang.

Nagpapagaling naman sa ospital ang padre de pamilya na si James Benguilo na siyang tanging nakaligtas sa sakuna. Dalawa naman ang patuloy na pinaghahanap ngayon ng mga otoridad.

Dahil naman sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng bagyong Basyang, hindi na madaananan sa ngayon ang Puyo Bridge sa Jabonga, Agusan del Norte  at ang Mahayahay Foot Bridge sa Kitcharao matapos itong masira dahil sa malakas na pagragasa ng tubig.

Sa ngayon, halos 2 libong residente na ang inilikas sa Surigao del Norte at Surigao del Sur na nasa 17 evacuation centers.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan, tuloy din ang rescue operations sa Surigao City dahil sa pagragasa ng tubig. Pinayuhan na nila ang mga lokal na pamahalaan na ilikas na ang mga residente na nakatira sa landslide prone area partikular sa barangay Gamuton.

Samantala, mahigit dalawang daang pasahero na ang stranded sa Roxas Port sa Oriental Mindoro na biyaheng Caticlan at Odiongan Romblon.

Pinagbawalan na rin ng PCG ang pagbiyahe ng mga fast craft at mga motor bangka sa Batangas na biyaheng Puerto Galera at Calapan Oriental Mindoro. Kanselado rin ang biyahe ng maliliit na sasakyang pangdagat mula Calapan patungong Batangas Port dahil sa malakas na alon ng dagat.

Sa huling tala ng Philippine Coastguard, aabot na sa halos apat na libong pasahero ang stranded sa mga pantalan sa bansa.

 

( Raymond Octobre / UNTV Correspondent )

Tags: , ,