Isa patay; mahigit 2,000 bahay natupok ng sunog na sumiklab sa Jolo, Sulu

by Radyo La Verdad | July 25, 2018 (Wednesday) | 9653

Labing tatlong ektarya ng residential area na may mahigit dalawang libong bahay sa Jolo, Sulu ang nasunog kahapon.

Ayon kay Jolo, Sulu Mayor Kerkhar Tan, nagsimula ang sunog sa isang coffee shop sa Barangay Walled at kumalat sa Barangay Busbos.

Dahil malakas ang hangin at gawa sa light materials ang mga bahay, mabilis itong tinupok ng apoy. Isa ang namatay habang tatlo naman ang nasugatan sa insidente na tumagal nang halos sampung oras.

Sa ngayon ay patuloy na inaalam ng mga otoridad ang sanhi ng sunog at kung magkano ang kabuoang pinsala nito. Pansamantala ring nanunuluyan sa limang evacuation centers ang nasa limang libo at dalawang daang apektadong pamilya.

Tiniyak naman ni Tan na nabibigyan ng mga pangangailangan ang mga biktima katuwang na rin ang AFP at PNP.

Kaninang umaga ay nagsagawa ng emergency meeting ang lokal na pamahalaan kasama ang ibang concerned agencies upang pag-usapan kung paano matutulungan ang mga nawalan tahanan.

Ito na ang pangalawang pinakamalaking sunog na nangyari sa lugar mula noong 1974.

 

( Dante Amento / UNTV Correspondent )

Tags: , ,