Isa pang batch ng mga OFW na nabigyan ng amnestiya ng bansang Kuwait, nakauwi na ng Pilipinas

by Radyo La Verdad | February 22, 2018 (Thursday) | 1979

Pasado alas nuebe ng umaga dumating sa Ninoy Aquino International Airport ang mahigit sa limang daang repatriated Overseas Filipino Worker mula sa bansang Kuwait. Ito na ang pinakamalaking batch ng mga repatriated OFW mula sa nasabing Gulf State. Kabilang dito ang higit limampung menor de edad.

Binigyan ng pamahalaan ng tig-limang libong pisong financial assitance ang mga pinauwing manggagawa, bukod pa dito ang twenty thousand peso livelihood assistance sa kanila.

Bibigyan din ng five thousand pesos ang bawat undocumented na menor de edad mula naman sa Department of Social Welfare and Development at medical assistance para sa mga may sakit mula sa Department of Health.

Sa tala ng OWWA, nasa 10,800 ang undocumented OFW sa Kuwait pero nasa tatlong libo pa lang ang nag-avail ng amnesty. Kaya malaking bagay para sa ahensya ang ibinigay na dalawang buwang extension ng Kuwaiti Government sa kanilang amnesty program.

Ang pagpapalawig ay ginawa isang linggo matapos na pormal itong hilingin ng Pilipinas sa pamahalaan ng Kuwait. Sa halip na February 22, sa April 22 na magtatapos ang programa para sa mga overstaying Filipino workers.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,