Internet Transaction Act, aprubado na sa Senado sa ikatlong pagbasa

by Radyo La Verdad | September 26, 2023 (Tuesday) | 4268

METRO MANILA – Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang Internet Transactions Act sa botong 20 pabor at walang tutol kahapon, September 25.

Layon ng Senate Bill No. 1846 na protektahan ang mga negosyante at mamimili laban sa mga mapanlinlang na gawain sa internet transactions.

Layunin din nito na tiyakin na ang mga transaksyon sa e-commerce ay maaasahan, ligtas, at abot-kamay para sa lahat ng mamimili.

Inilalapat din ng panukalang batas ang parusa laban sa mga e-marketplace, e-retailer, online merchant, at digital platform na lumalabag sa mga batas ng mamimili, at ang mga lumalabag sa tiyak na probisyon ay maaaring pagmultahin.

Bagamat sang-ayon ang minority bloc sa pagpasa nito, tutol ang ilang miyembro nito sa sertipikasyon ng panukalang batas bilang urgent.

Ayon kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, nakakalungkot ang pangyayari dahil maaari umano itong aprubahan sa normal na takbo ng proseso para kung natuklasan ang ilang mga pagkakamali ay magagawang subukang ayusin ang mga hakbang.

Dagdag ni Pimentel, hindi aniya puwedeng maglabas ang pangulo ng sertipikasyon dahil ito’y prayoridad ng administrasyon.

Ayon naman kay Senate President Juan Miguel Zubiri, nirerespeto niya ang opinyon ni Pimentel ngunit sinabi rin niyang lahat ng pandaraya na nangyayari ngayon sa internet ay isang emergency.

Sa pagtutol ni Pimentel, pinutol ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang desisyon na magpatuloy sa pagpasa ng panukalang batas sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa loob ng isang araw at ipinaboto ito, kung saan natalo ang mosyon ng lider ng minorya.

Tags: ,