Internal Revenue Allotment o IRA, planong alisin sa panukalang pederalismo

by Radyo La Verdad | February 7, 2018 (Wednesday) | 2446

Sa kasalukuyang batas, malaking bahagi ng kita ng isang lokal na pamahalaan ay nire-remit sa national government at maghihintay na lang sila kung magkano ang Internal Revenue Allotment na ibibigay sa kanila ng national government.

Base sa ulat ng Department of Budget and Management, 80% ng mga rehiyon sa bansa ay umaasa sa IRA. Pero mismong si House Speaker Pantaleon Alvarez ang may nais na alisin ang IRA sa panukalang pederalismo.

Sa bersyon ng Kamara, 80-85% na kita ng LGU ay mananatili na sa kanila, habang 15-20% nalang ang kailangan nilang ibigay sa national government.

Ayon kay Alvarez, nais nilang mapakinabangan ng mga lokal na pamahalaan ang sarili nilang mga resources.

Nangangamba sa panuklang ito si Negros Oriental Rep. Arnulfo Tevez Jr. dahil ang kanilang distrito ay umaasa lamang sa IRA.

Tiniyak naman ni Speaker Alvarez na magkakaroon ng pantay na alokasyon ang mga rehiyon dahil mayroon pa ring ilalaang special equalization fund ang federal government sa mga mahihirap na lugar.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

Tags: , ,