Nahaharap ngayon sa reklamong crimes against humanity sa International Criminal Court si Pangulong Rodrigo Duterte at labing-isang senior officials ng pamahalaan.
Inihain ito ni Atty.Jude Sabio sa alegasyong sangkot ang pangulo sa pagpatay ng Davao Death Squad noong mayor pa si Duterte ng Davao City.
Ang pangulo din aniya ang nasa likod ng umano’y kaso ng extrajudicial killings sa bansa kaugnay ng kanyang anti-drug war.
Ngunit ayon sa Center for International Law, mahaba-habang proseso pa ang daraanan ng reklamo;
Isa rin sa mga kailangang tingnan ay kung may hurisdiksyon ba ang ICC sa mga akusasyon ni Sabio.
Kailangan din aniyang mapatunayan na walang imbestigasyong ginagawa ang pamahalaan sa mga napapaslang sa kampanya kontra droga.
Susuriin din muna ng pre-trial chamber ng ICC kung may basehan ang akusasyon laban kay Duterte.
Kayat kailangan ding makapagpakita ng konkreto at detalyadong ebidensiya gaya ng naisampang mga kaso dito sa Pilipinas.
Pero sa ngayon wala pang nakikitang matibay na ebidensiya ang CenterLaw na pwedeng magdiin sa pangulo.
Ipinagkibit balikat naman ni Pangulong Duterte ang reklamo laban sa kanya sa ICC.
Habang sinabi naman ng Malacanang na bahagi lamang ito ng propaganda laban sa pangulo.
(Roderic Mendoza)
Tags: CenterLaw, ICC, Pangulong Duterte