Inasahan na ng Malacañang ang mababang suporta ng publiko sa panukalang amyendahan ang Saligang Batas at palitan ang uri ng pamahalaan upang maging federal dahil kaunting impormasyon lang ang alam nila hinggil dito.
Aminado rin si Presidential Spokesperson Harry Roque na marami pang dapat gawin ang pamahalaan upang makapagbigay ng sapat na kaalaman sa mga Pilipino tungkol sa Cha-cha at pederalismo.
Batay sa latest Pulse Asia survey, dalawa sa tatlong Pilipino o katumbas ng 67% ang hindi sang-ayon na maamyendahan ang Saligang Batas ngayon. Ginawa ang panayam sa 1,800 registered voters sa buong bansa noong ika-15 hanggang ika-21 ng Hunyo 2018.
Tumaas ng 5% ang public opposition sa charter change at bumaba naman ang suporta ng publiko dito kumpara noong Marso 2018.
Batay din sa naturang survey, 62% ng mga Pilipino ang tutol na lumipat sa federal government ang bansa, 28% lang ang sumusuporta dito at 10% ang ‘di tiyak sa kanilang pananaw hinggil sa isyu.
Subalit ayon sa Pulse Asia, posible ring mas mabibigat na isyu ang nais ng taumbayan na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan kaysa sa pagpapalit ng konstitutusyon at ng uri ng gobyerno sa bansa.
Ayon naman kay Deputy House Speaker Gwendolyn Garcia, sa kabila nang mababang porsyento ng suporta ng publiko, hindi ito dahilan upang hindi ituloy ang pagsusulong ng pederalismo.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: Cha-cha, Malacañang, pederalismo