Inflation rate, pumalo sa 8% nitong Nobyembre – PSA

by Radyo La Verdad | December 7, 2022 (Wednesday) | 14672

METRO MANILA – Pumalo na sa 8% ang naitalang inflation sa bansa nitong Nobyembre dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin.

Mas bumilis pa ito sa naitalang 7.7% noong Oktubre at pinakamataas na sa nakalipas na 14 na taon nang maitala ang 9.1% noong 2008 sa kasagsagan ng global financial crisis.

Pangunahing nagpabilis sa inflation ang pagtaas sa presyo ng gulay, bigas, asukal, confectionery at desserts.

Ayon kay Deputy National Statistician Divina Gracia Del Prado posibleng epekto pa ito ng mga nagdaang bagyo na nanalasa sa bansa noong Oktubre.

Ipinahayag ng ekonomista na si Dr. Carlos Manapat, ngayong buwan ng Disyembre inaasahang tataas pa ang inflation na maaaring umabot sa 8.4%

Ayon sa Philippine Statistic Authority (PSA), ito na ang pinakamataas na naitalang inflation mula noong November 2008 kung saan umabot sa 9.1% ang antas ng pagbilis ng halaga ng mga bilihin at serbisyo.

Kung tumaas man ang inflation rate sa bansa, may bahagyang pagbaba naman sa Metro Manila.

Ito ay dahil sa pagbagal ng antas ng presyo ng housing, water, electricity, gas and other fuel na may 3.7% inflation at 58.9% share.

Sa labas ng NCR, pinakamataas na nakapagtala ng inflation ang Region 11 o Davao region na may 9.7%

Habang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) naman ang may naitalang pinakamababa mula sa 6.5% noong Oktubre, ngayon buwan ay nasa 6.0%.

(Bernadette Tinoy | UNTV News)

Tags: , ,