METRO MANILA – Umabot sa 4.95% ang inflation rate o pagtaas ng halaga ng bilihin, bayarin at serbisyo nito lamang Agosto 2021.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), mas mataas ito kumpara sa 4.0% noong nakaraang Hulyo habang doble naman kumpara noong Agosto 2020 na nasa 2.4% lamang.
Sa produktong agrikultura, mataas pa rin ang presyo ng karne ng baboy na apektado pa rin Ng African Swine Fever (ASF).
May paggalaw din ang presyo ng isda gaya ng galunggong gayun din ang ilang klase ng gulay gaya ng talong at repolyo.
Ayon sa PSA, supply pa rin ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo.
“May mga areas na naapektuhan dahil sa mga pagulan. Pangalawa ang ating issue sa transportation cost higher charges sa delivery” ani PSA National statistician and Civil Registrar General, Usec Dennis Mapa.
Bukod dito ay tumaas din ang presyo ng kuryente, tubig, lpg, at bayarin sa renta ng bahay.
Nadagdagan din ang presyo ng pamasahe sa jeep at trisikel maging ang gasolina.
“Itong ECQ sa transport, nakikita na natin tumataas talaga yung fare rate ng trisikel. In the past months ito talaga yung nag kontribute sa mataas na inflation sa transport index natin” ani PSA National statistician and Civil Registrar General, Usec Dennis Mapa.
Nakadagdag din sa inflation ang pagtaas ng presyo ng mga pagkain sa restaurants.
Ayon naman kay Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista, kung ikukumpara sa mga nakaraang buwan, bumaba na ang presyo ng baboy dahil dumadami na rin ang supply nito.
Sa ganitong panahon din aniya ng holiday season ay normal din na tumaas ang presyo ng gulay gaya ng sili.
“Maganda po ang supply situation ng ating pork industry ngayon compared to dati. Meron narin po kasing mga naka recover na mga red zones ngayon po ay green zones at derederetso rin po yung repopulation” ani Department of Agriculture Usec Kristine Evangelista.
Ayon sa DA, magdadag din ng aangkating supply ng galunggong ang pamahalaan sa mga susunod na buwan na inaasahang magpapababa sa presyo nito.
(Rey Pelayo | UNTV News)
Tags: inflation rate, PSA