Inflation rate ng Pilipinas, pumalo na sa 8.7% noong Enero

by Radyo La Verdad | February 8, 2023 (Wednesday) | 7767

METRO MANILA – Umakyat sa 8.7% ang headline inflation rate sa bansa nitong January 2023 ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Mas mataas ito sa 8.1% na naitala noong December 2022.

Pangunahing sanhi ng mataas na inflation rate noong nakaraang buwan ang mabilis na pagtaas ng presyo ng housing, water, electricity, gas at iba pang fuel; food and non-alcoholic beverages lalo na ang sibuyas.

Tumaas din ang antas ng inflation sa National Capital Region na may headline inflation na 8.6% mula sa 7.6%.

Sa labas ng Metro Manila, nananatiling may pinakamataas na inflation ang Western Visayas o region na may 10.3% habang ang Eastern Visayas naman o region 8 ang may pinakamababang naitala na may 6.9% inflation rate.

Para sa ekonomista na si Professor Carlos Manapat, dapat pag-isipan na ng pamahalaan ang umento sa minimum na pasahod sa mga manggagawa na naglalaro ngayon mula P420 – P570.

Sa pahayag ni Department of Finance Secretary Benjamin Diokno, sinabi nito na naabot na ng bansa ang peak ng inflation at inaasahang bababa ito ng 4.5% ngayong taon.

Samantala naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Junior na babagal ang inflation rate pagpasok ng 2nd quarter ng taon.

Ayon sa pangulo, hindi pa nararamdaman ngayon ang kanilang mga ginawang hakbang ukol dito.

Positibo si PBBM na dahil sa pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo at inaangkat na agricultural products bababa rin ang inflation rate.

Batay sa forecasts ng International Monetary Fund ang global growth ng bansa ay bababa sa 2.9% ngayong taong 2023 at may projected na tumaas sa 3.1% sa taong 2024.

(Bernadette Tinoy | UNTV News)

Tags: ,