Indoor dining at mas maraming negosyo, pinayagan na sa mga lugar na sakop ng MECQ extension

by Erika Endraca | April 30, 2021 (Friday) | 2074

METRO MANILA – Maaari nang magbukas ng hanggang 10% capacity ang mga restaurants, eateries, commissaries at iba pang food preparation establishments para sa kanilang indoor dine-in services sa NCR Plus sa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) extension simula May 1 hanggang 14, 2021.

Bukod dito, maaari na ring mag-operate ang mga beauty salon, beauty parlors, barbershops at nail spas ngunit limitado sa 30% venue o seating capacity sa MECQ areas.

Gayunman, ang papayagan lang na personal care services ay ang mga makakapagsuot ng face masks sa lahat ng pagkakataon ang mga client at service providers.

Maaari namang mapalawig ang capacity sa mga naturang establisyemento kung makaka-comply ang mga ito sa safety seal certification program ng pamahalaan.

Hindi naman kabilang ang mga personal care establishment na wala sa mga nabanggit na makapag-operate muli.
Nauna nang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na layon ng pagpapahintulot na makapagbukas ang mas maraming bilang ng mga negosyo na matiyak na maipagpapatuloy ang mabagal na pagkalat ng covid-19 infections habang naitataguyod ang apektadong ekonomiya ng bansa bunsod ng pandemiya.

“Ito po ay sang-ayon doon sa ating goal ‘no na i-promote po ang total health ng mga mamamayan, mabawasan ang mga kaso ng covid at itaguyod po ang hanapbuhay ng mga mamamayan nang hindi naman sila magutom.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Sa 2 Linggong pagpapalawig ng MECQ sa NCR Plus, target ding madagdagan ang bilang ng Intensive Care Unit (ICU) beds.

Samantala, hindi na sang-ayon si Pangulong Rodrigo Duterte na dagdagan pa ng ibang itatawag ang mga pinaiiral na community quarantine sa bansa.

Ito ay matapos ikabit ang mga terminong flexible o hybrid sa MECQ na pinaiiral ngayon hanggang sa May 14 sa NCR plus dahil sa mas maraming negosyong pahihintulutang makapag-operate.

“Ayaw po ng presidente na maraming mga pangalan. Tama na po iyong MECQ. Pero nagkasundo nga po na in order to promote the total health of iyong ating mga kababayan ay bigyan natin ng mas maraming mga hanapbuhay, bagama’t tayo po ay nasa mecq. At siyempre ito naman po ay sang-ayon din sa siyensiya, iyong mga negosyo at mga istablisiyemento na pupuwedeng magbukas na hindi magiging super spreaders.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,