Independence Day Job Fair ng DOLE, dinagsa ng 28K jobseekers

by Radyo La Verdad | June 14, 2022 (Tuesday) | 13748

METRO MANILA – Dinagsa ng mahigit 28,600 na aplikante mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang “Trabaho, Negosyo, Kabuhayan” job and business fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nag-alok sa mamamayan ng mahigit 151,000 locale and overseas job opportunities kaalinsabay sa paggunita sa Araw ng Kalaayan nitong June 12.

Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, aabot sa 2,405 na aplikante ang may tiyak na agarang trabaho habang mahigit 9,537 ang itinuturing na near-hires.

Binigyang-diin naman ng labor chief ang pagsisikap ng gobyerno tungo sa employment recovery kasang-ayon sa naging partisipasyon ng 1,163 employer na nag-alok ng 151,325 local at overseas jobs sa isinagawang job fair.

Samantala, nasa 315 na aplikante ang isinangguni sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa skills training, 190 sa Bureau of Workers with Special Concerns para sa livelihood training/assistance, at umabot sa 267 naman sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa business inquiries at iba pang concerns.

Maliban sa pagpapadali ng trabaho para sa mga nasa pormal na sektor, ginawaran din ng DOLE ng emergency employment at livelihood assistance ang mga vulnerable at marginalized na manggagawa.

Dagdag dito, pinangunahan ni DOLE Secretary Bello III ang pamamahagi ng suweldo para sa 1,286 na benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program sa Bulacan, kung saan nakatanggap ng tig-P4,000 ang bawat manggagawa sa kanilang 10-day engagement.

Sa pamamagitan naman ng DOLE Integrated Livelihood Program, namahagi ng mga bicycle unit ang labor chief para sa 500 na benepisyaryo ng Freebis (Free Bisikleta) samantalang 563 na manggagawa sa impormal na sektor ang nakatanggap ng Nego-Karts (Negosyo sa Kariton).

(Edmund Engo | La Verdad Correspondent)

Tags: ,