Inbound travellers, isasailalim sa Covid-19 testing sa ika-5 araw ng pamamalagi sa bansa malibang may sintomas – DOH

by Erika Endraca | January 28, 2021 (Thursday) | 10541

METRO MANILA – Pagsapit ng February 1, lahat ng inbound travellers sa bansa ay didiretso sa quarantine facility.

Batay ito sa inilabas na Inter Agency Task Force Resolution No. 96 .

Nakapaloob dito na hindi na sila kaagad isasailalim sa Covid-19 testing malibang magpakita ng sintomas ng sakit.

Pagsapit nila ng ikalimang araw na pamamalagi nila sa bansa, dun pa lang sila isasailalim sa swab testing.

Ayon sa DOH, mas mabisa itong paraan upang matuloy kung ang isang biyahero ay postibo sa Covid-19.

“For efficiency for government and also to be more rational in doing things atin pong ginawa ito hindi sila itetest pag arrive , pero kung sila ay may nararamdaman na o di kaya ay mayhigh suspicion meron siyang sakit na ito, sya po ay kailangan i-test.” ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.

Binigyang diin din ng DOH na mahalagang ma- isolate sa isa’t isa ang mga pasahero upang hindi magkaroon ng hawaan habang sila ay naghihintay para sa Covid-19 testing .

“Pero ang kailangan natin maintindihan, iyong ating prinsipyo na isolation first, as long as we isolate them even thouhg they are poisitive we are assured na naco- confine lang doon sa kwartong yun ang sakit at hindi po makakapanghawa kaya isa rin po iyan na nakalagay sa ating resolution na kailangan walang cohorting because they will only be tested on the 5th day “ ani DOH Spokesperson, Usec. Maria Rosario Vergeire.

Kapag lumabas naman na negatibo sa Covid-19 ang kanilang resulta, ie-endorso sila sa LGU ng kanilang destinasyon upang tapusin ang kanilang 14 day mandatory quarantine period.

Ang bagong testing at quarantine protocols ay inilabas upang mapigilan ang pagkalat ng mas nakahahawang uk variant at iba pang variant ng Covid-19 sa Pilipinas.

Samantala, batay sa update ng DOH, mahigit 600 na ang natukoy na close contacts ng 13 nag- positibo sa Cordillera Administrative Region

Ito ay mga close contacts ng 12 sa Bontoc, Mountain Provice at 1 sa La Trinidad, Benguet na positibo sa UK Variant

May natukoy pa ang kagawaran na returning Overseas Filipino Workers (OFW) na umuwi sa rehiyon.

Hinihintay pa ng DOH ang iba pang detalye upang matukoy kung positibo o negatibo ang mga ito sa anomang variant ng Covid-19.

Ayon pa sa DOH, maaaga pa para ideklarang may community transmission sa rehiyon dahil magkakaugnay pa ang UK Variant cases doon.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , ,