Implementasyon ng Maharlika Investment Fund, sinuspinde ni PBBM

by Radyo La Verdad | October 19, 2023 (Thursday) | 2906

METRO MANILA – Nais makatiyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na maipatutupad ng maayos ang tunay na layunin ng pagtatatag Maharlika Investment Fund (MIF).

Kaya inatasan niya ang Bureau of Treasury pati na ang LandBank at Development Bank of the Philippines (DBP) na suspnedihin muna ang pagpapatupad nito.

Kasabay nito ay ipinagutos rin ng pangulo sa mga ito na muling pag-aralan ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng kauna-unahang sovereign wealth fund ng bansa.

Nais ni Pangulong Marcos na pag-aralan munang mabuti ang IRR para matiyak na makukuha ang layunin ng pondo para sa pagpapaunlad ng bansa. Kung saan naman nakalatag ang safeguards para dito para sa transparency at accountability.

Sa ilalim ng batas, ang inisyal na kapital ng MIF na nagkakahalaga ng P125-B ay kukunin mula sa LandBank, DBP at national government. Ang seed money na ito ay ilalan sa iba’t ibang investments.

Sa kabila nang suspensyon sa implementasyon ng Maharlika Investment Fund Law, handa pa rin ang office of the solicitor general na idepensa sa Korte Suprema ang legalidad ng kontrobersyal na batas.

Sa isang mensahe sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na nasa mga petitioner na ang pagpapasya kung babawiin ng mga ito ang kanilang petisyon matapos na suspendihin ng pangulo ang MIF law.

Pero kung hindi aniya ito babawiin, ay itutuloy pa rin ng Supreme Court ang pagdinig, at nakahanda aniya ang mga abogado ng gobyerno na idepensa ang legalidad ng MIF.

Tags: ,