Immunity ng mga kongresista sa mga minor trafffic law violations hiniling ni Rep. Fariñas sa MMDA

by Radyo La Verdad | September 19, 2017 (Tuesday) | 2292

Hiniling ni House Majority Floor Leader Rudy Fariñas sa mga traffic law enforcers na kung may malabag mang batas trapiko ang mga kongresista, kung maaari ay palampasin nalang muna lalo na aniya kung sila ay papunta sa Kamara para dumalo ng sesyon. Subalit pangako nito na oras na matapos na ang sesyon ay haharapin naman nila ang kanilang mga naging paglabag.

Ayon kay Fariñas, mahalaga ang trabaho nila tuwing may mga isyung kailangan silang pagbotohan sa mababang kapulungan ng Kongreso. Base sa article 6, section 11 ng saligang batas, ang mga senador at kongresista ay may parliamentary immunity.

Ibig sabihin, sinomang mambabatas ay hindi maaaring arestuhin kapag nasa sesyon, kung ang paglabag na nagawa nito ay may kaparusahan na hindi hihigit sa anim na taong pakakabilanggo. Subalit tila hindi naman sumangayon dito ang publiko.

Sa ngayon mahigpit na ipinatutupad sa mga kongresista ang dumating ng maaga sa sesyon. Ibibilang na absent ang mga kongresista na hindi makakaabot sa roll call dahil isinasara na ang mga pinto ng plenaryo pag nagsimula ito tuwing alas-4 ng hapon.

 

(Grace Casin / UNTV Correspondent)

 

 

 

Tags: , ,