Imbestigasyon sa 81-million money laundering activity, tinapos na ng Senate Blue Ribbon Committee

by Radyo La Verdad | May 20, 2016 (Friday) | 8438

SENATE
Kahapon ang ika-pito at huling pagdinig ng senado sa kontrobersyal na 81-million US dollars laundered money at magsusumitena ng pinal na ulat at rekomendasyon ang blue ribbon committee kaugnay ng isyu.

Nakapagsampa na ng reklamo ng paglabag sa Anti-Money Laundering Law ang Anti-Money Laundering Council sa Department of Justice laban kina dating RCBC Jupiter Branch Manager Maia Deguito, Kim Wong, Weikang Xu at Philrem Executives Salud at Michael Bautista.

Hindi naman dumalo ang mag-asawang mga may-ari ng Philrem na sangkot sa kontrobersya sa huling pagdinig at iginiit ng mga ito ang kanilang karapatan laban sa self-incrimination.

Samantala, 15 milyong dolyar na ang naisauli ng Eastern Hawaii at junket operator na si Kam Sin Wong sa Anti-Money Laundering Council o AMLC.

Ang halagang ito ay bahagi lamang ng 81-million US dollars na ninakaw ng mga hindi pa matukoy na hackers mula sa US Federal Reserve Bank Account ng Bangladesh at inilipat sa limang RCBC Jupiter branch accounts sa Pilipinas.

Ganun pa man, hindi pa agad mai-turn over ang 15-million US dollars dahil kinakailangan pa itong dumaan sa proseso ng civil forfeiture case.

Kaya naman umapela ang Bangladeshi Ambassador sa Senado.

“It would be wrong to say that there is an obstacle in getting that money to Bangladesh, we had been told from the very beginning that money will soon be transmitted to Bangladesh through the forfeiture of cases”. Pahayag ni Bangladeshi Ambassador John Gomes

“We are doing everything to provide all necessary assistance to the Bangladesh government to recover the stolen money. We’re just requesting some understanding from the Bangladesh government for us to go through the process”.
ayon naman kay Atty. Julia Bacay-Abad, Secretariat ng AMLC

Ayon din sa AMLC, 28 million US dollars pa ang nasa solaire at pinetisyon ng AMLC sa Korte Suprema ang pagpapanatili ng freeze order sa nabanggit na halaga.

21 milyong dolyar naman ang hindi pa matukoy kung saan napunta at ang 17 milyong dolyar na una nang sinabi ni Wong na nasa Philrem pa.

Samantala, nagbigay ng katiyakan si Senator Guingona sa bangladesh government na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon particular na ng AMLC, Bangko Sentral ng Pilipinas at Department of Justice ang pagpapanagot sa mga sangkot sa anomalya at pagbabalik ng salaping natitira sa ninakaw sa kanilang 81-million US dollars.

(Rosalie Coz/UNTV NEWS)

Tags: , ,