Imbestigasyon ng Senado sa aberya sa NAIA, planong isagawa sa Jan. 12

by Radyo La Verdad | January 5, 2023 (Thursday) | 8157

Sisimulan na ng Senate Committee on Public Services sa susunod na Huwebes, January 12 ang pagdinig sa nangyaring technical glitch sa communications, navigation, and surveillance/air traffic management ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) noong January 1.

Ilang oras na naparalisa ang airspace ng Pilipinas at tinatayang 65,000 na pasahero na nakaranas ng matinding aberya dahil sa tigil operasyon.

Ayon kay senator Grace Poe na siyang Chairperson ng komite, bibigyan muna nila ng panahon ang CAAP at Department of Transporation na ibalik sa normal ang operasyon sa mga paliparan sa bansa bago isagawa ang padinig, at dahil dito,  wala na dapat dahilan para hindi dumalo ang mga opisyal ng dalawang ahensya.

Tiniyak naman ng DOTR sa UNTV news na dadalo ito sa pagdinig.

Nadagdagan pa ang mga naghain ng resolusyon para maimbestigahan na ang isyu sa senado.

Wala pang kumpirmasyon ang opisina ni Poe kung iimbitahan din ang mga dating opisyal ng Duterte administration.

Sa gitna ito ng naiulat na alegasyong ginamit umano sa pagpapaganda ng NAIA ang nasa 13 billion pesos na pondo na inilaan ng kongreso para sa back-up ng cns/atm system noong 2018 sa pamumuno ni dating transportation Secretary Arthur Tugade.

Sinisikap pa ng UNTV news na makuha ang panig ng mga dawit sa alegasyon.

Para kay dating Presidential Adviser for Political Affairs Ronald Llamas, dapat seryosohin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte ang isyu. Aniya, ang pagresolba sa mga problemang minana ng kasalukuyang administrasyon ang susubok sa leadership style ng bagong Pangulo.

Ilang araw matapos ang nangyaring aberya sa air traffic  management system ng bansa, umaasa ang publiko na mabibigyang linaw ng imbestigasyon ang totoong nangyari, at kung sino ang dapat managot sa nangyari na nakaperwisyo sa libo-libong pasahero sa mismong unang araw ng 2023.

Harlene Delgado | UNTV News

Tags: ,