Iloilo City Mayor, bukas sa pakikipagtulungan kay PCInsp. Jovie Espenido

by Radyo La Verdad | August 29, 2017 (Tuesday) | 2688

Malugod na tinatanggap ni Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog ang pagkakatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Chief Inspector Jovie Espenido sa kanilang lalawigan.

Sa isang statement sinabi nito na umaasa aniya siya na matutulungan sila nito na lubos na masugpo ang problema sa illegal drugs.

Sinabi pa ng alkalde na tiyak na may matutunan sila sa mga naging karanasan nito sa pakikipaglaban sa droga at sa pagtukoy sa mga personalidad na nasa likod nito.

Kahapon inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang talumpati sa paggunita ng araw ng mga pambansang bayani  na sa Iloilo City kasunod na itatalaga si Espenido.

Ayon na rin aniya ito sa hiling sa kaniya ng police official upang linisin ang lalawigan lalo na’t kasama si Mayor Patrick Mabilog sa narco list ni Pangulong Duterte.

Ngunit ayon kay Espenido, hindi siya ang humiling sa punong ehekutibo na maitalaga sa Iloilo City.

Si Espinido ang Chief of Police sa Albuera, Leyte noong mapatay si Mayor Rolando Espinosa Sr. sa loob ng kanyang selda at kamakailan ay napaslang ng kanyang mga tauhan ang grupo ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog sa isinagawang raid sa bahay nito.

Samantala, kinilala naman ng Pangulo ang pagsisikap ni Espinido sa kontra iligal na droga na dapat aniyang tuluran sa iba’t-ibang panig na bansa.

 

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: , ,