Ilang transport group, nagbantang magsasagawa ng nationwide transport strike bago ang SONA

by Radyo La Verdad | July 3, 2018 (Tuesday) | 7806

Nais makipagdayalogo ng grupong Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO) kay Pangulong Rodrigo Duterte. Kaugnay pa rin ito ng modernization program ng pamahalaan.

Ngunit kung hindi umano sila kakausapin ng Pangulo bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) nito ay nagbanta ang mga ito na magsasagawa sila ng malawakang tigil-pasada.

Ayon sa ACTO, pangmayayaman lamang ang jeepney modernization program ng pamahalaan kung kaya’t nais nilang makausap ang Pangulo upang mabigyan sila ng konsiderasyon

Anila, wala sa mga maliliit na transport operator ang kayang bumili ng isang bagong unit at wala ring papasa sa mga financing. Ramdam naman ng ilang operator ang hirap bago maaprubahan sa financing.

Ayon kay DOTr Usec. Tim Orbos, nakadisenyo ang modernization program para sa mahihirap na mga driver operator. Nais lamang ng DOTr na pagsamasamahin na ang mga jeepney operator sa iba’t-ibang grupo o kooperatiba upang makatipid sa gastos ang mga ito.

Para sa mga may problema sa financing para sa jeepney modernization program, bukas ang one stop shop ng DOTr sa ika-6, 13, 20, at 27 ng Hulyo sa 17th floor ng Columbia Tower sa Ortigas Avenue sa Mandaluyong City.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,