Ilang tindera at motoristang umaangkat ng gulay sa Northern Luzon at Batangas, umaangal sa dagdag toll sa NLEX at STAR toll

by Radyo La Verdad | November 7, 2017 (Tuesday) | 5191

Dagdag pahirap sa mga maliliit na negosyante, ito ang daing ng ilang nagbibyahe at nagtitinda ng gulay sa Balintawak Market dahil sa ipinatupad simula kahapon na dagdag toll sa lahat ng mga sasakyang dadaan sa North Luzon Expressway at STAR toll.

Ayon sa mga ito, malaking kalugihan ito sa kanila lalo na at hindi naman anila ito maaring ipatong sa presyo ng mga paninda na inaangkat pa mula sa Northern at Central Luzon.

Ayon sa NLEX Corporation, inaprubahan ng toll regulatory board ang dagdag singil upang mabawi nila ang ginastos sa pagpapalawak ng ilang mga kalsada at iba pang mga improvements sa expressway.

Bente singko sentimos kada kilometro ang madaragdag sa binabayarang toll ng mga motoristang babagtas sa NLEX.

18 pesos ang madaragdag sa dating 218 pesos na bayad, ibig sabihin magiging 236 pesos na ang singil sa bawat class 1 na sasakyang bibiyahe mula Balintawak sa Quezon City hanggang sa Sta.Ines Mabalacat, Pampanga.

Ang dating 544 pesos magiging 590 na sa mga may class 2 na sasakyan at 708 pesos mula sa dating 652 pesos sa mga class 3.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,