Ilang tauhan ng Chinese Geneneral Hospital, nagbigay ng testimonya kaugnay ng kaso ni Horacio Castillo III

by Radyo La Verdad | October 5, 2017 (Thursday) | 6721

Idinetalye ng ilang tauhan ng Chinese General Hospital ang kanilang nalalaman sa pagkamatay ng UST Law student na si Horacio “Atio” Castillo III.

Tatlong nurse, isang doktor at isang janitor  ng ospital ang nagtungo sa Manila Police District kahapon upang magbigay ng kanilang salaysay.

Ayon sa isang nurse,  bago pa pinasok si Atio sa hospital ay nagtanong pa si John Paul Solano sa kaniya.

Sinabi ni Solano na may natagpuan siyang bangkay sa Balut, Tondo. Hindi din agad pinasok ang katawan ni Atio sa emergency room at nasa parking area pa ito.

Pagdating nila sa parking area, dito na nila nakita ang katawan ni Atio at wala na itong pulso.

Agad naman nilang pinasok sa hospital si atio at sinubukan i-revive ngunit wala na itong buhay.

Samantala, pinakita din ng MPD sa kanila ang mga litrato ng mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity at pinaturo sa kanila kung sino ang nakipag-usap sa kanila. Tanging si John Paul Solano ang nakilala sa mga ito.

Ngunit wala umano sa picture na pinakita ng MPD ang isa pang kasama ni Solano na siya umanong nag da-drive ng sasakyan na ginamit ng mga ito.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,