Ilang supermarket owner, tumanggi ng magbenta ng NFA rice dahil sa mahigpit na proseso ng NFA

by Radyo La Verdad | September 27, 2018 (Thursday) | 4284

Wala ng balak ituloy ni Philippine Amalgamated Supermarket Association President Steven Cua ang pagbebenta ng NFA rice sa kanyang supermarket.

Ayon kay Cua, hinihingan pa siya ng National Food Authority (NFA) ng 115 libong piso para sa lisensya upang maging awtorisadong NFA dealer.

Aniya, sa halip na makatulong at kumita siya ng kaunti, lugi pa daw siya kung magbebenta ng NFA rice

Ang daily supermarket sa Cubao at San Roque Supermarket sa Novaliches ang tanging nagbebenta lamang ng NFA rice sa Supermarket.

Natuwa naman ang ilang consumer na nakakita ng NFA rice sa supermarket.

Ayon kay Cua, gusto nilang makatulong na makapagbenta ng murang bigas subalit mahigpit masyado ang NFA.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), kakausapin nila ang NFA tungkol sa reklamong ito ng mga supermarket owner, lalo na ngayong may memorandum order ang Pangulong Rodrigo Duterte hingil sa pagpapadali ng proseso upang mapababa ang presyo ng mga bilihin.

Ayon sa NFA, pag-aaralan nila ang kahilingan ng mga supermarket owner pero habang wala pa ito. Maaari namang makabili ng NFA rice at commercial rice sa mga palengke.

Ang magagawa muna ng NFA ngayon ay taasan ang alokasyon ng bigas sa mga pamilihan mula 76k kada araw ay itataas ito sa 128k sako kada araw.

Pero ang pakiusap ng NFA sa mga consumer na magtiis pa ng kaunti dahil bababa na ang presyo ng bigas sa mga darating na buwan.

Tiniyak ng ahensya na dalawang linggo hanggang isang buwan mula ngayon ay posible na bumaba ng piso hanggang limang piso ang presyo ng commercial rice.

Mula sa prevailing price na 40 hanggang 42 piso, magiging 37 hanggang 39 piso na lang ito kada kilo sa mga pamilihan.

Ang dahilan ng inaasahang bagsak presyo ay ang pagdating ng libo-libong mga aangkating bigas simula ngayong buwan hanggang Disyembre.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,