METRO MANILA – Gusto munang makita ni Senator Imee Marcos ang pinal na bersyon ng Senate Bill 2020 o ang panukalang pagtatatag ng Maharlika Investment Fund (MIF) bago magdesisyon kung bobotong pabor o hindi sa panukala.
Ayon sa presidential sister, dapat maging malinaw ang pagkukuhanan ng pondo at matiyak na hindi magagalaw ang pension funds ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS).
Ito rin ang pangamba ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros. Aniya, tila magkakaroon umano ng backdoor dahil nakalagay pa rin sa senate bill na pinapayagang mag-ambag ang ilang government financial institutions at Government Owned and Controlled Corporations (GOCC) sa MIF. Kaya nais ng senadora na matanggal na lang ang naturang probisyon.
Si Senator Francis Escudero naman, nakukulangan pa rin sa panukala. Gusto pang maliwanagan ng senador kaugnay ng termino ng Maharlika Investment Corporation (MIC) at pag-aaral kung talaga bang kikita ang MIF.
Sa ilalim ng bagong bersyon ng Maharlika Fund sa senado, P125B ang magiging paunang kapital, P50B ang kukunin sa Landbank of the Philippines, P25B sa Development Bank of the Philippines at P50B mula sa dibidendo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), porsyento ng kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), sa pribadong sektor at iba pang sources.
Sa miyerkules, May 31 ang huling sesyon ng Kongreso, pero ang ilang Senador naniniwala hindi dapat madaliin ang panukala kahit pa certified as urgent ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ang Senate Minority Bloc kumbinsidong dapat harangin ang pagpasa sa MIF bill dahil mas malaki aniya ang risk kaysa sa benepisyo na posibleng makuha rito.
(Harlene Delgado | UNTV News)
Tags: Marlikha Investment Fund, Senate