Ilang senador, naniniwalang dapat talakayin ni PBBM ang WPS issue sa state visit sa Beijing

by Radyo La Verdad | December 16, 2022 (Friday) | 5623

Naghihimutok sa galit ang ilang senador sa huling araw ng sesyon ng senado. Dahil ito sa ipakitang video ni Senator Francis Tolentino sa pwersahang pagkuha ng Chinese Coast Guard ng rocket debris mula sa Philippine Coast Guard noong Nobyembre.

Itinanggi noon ng Chinese Embassy na sapilitan ang nangyari at sinabing binalik umano ito ng Pilipinas matapos ang isang “friendly consultation”.

“Wala pong friendly sa ginawa, ang pagnanakaw po ay hindi gawain ng isang kaibigan, wala naman akong nakitang konsultasyon,” pahayag ni Sen.  Risa Hontiveros, Senate Deputy Minority Leader.

Para sa mga senador, sobra na ang panghihimasok na ginagawa ng China sa West Philippine Sea.

Isang resolusyon ang inaprubahan ng senado para ipakita ang anila’y pagkasuklam sa insidente at pagkondena sa patuloy na presensya ng China sa territorial waters ng Pilipinas.

“Ayaw natin maging warfreak tayo pero gusto lang natin talaga ipakita sa kanila at  iparamdam sa ating mga kababayan na tayo’y punong-puno na sa pambubully na ginagawa ng mga Chinese na ito. Kaya kung nakikinig kayong mga Chinese, galit na kami. To tell you frankly, we are mad with what you are doing to our troops,” ani Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Insert sot: ((courtesy: senate of the philippines))

“Punong puno na po tayo. I think time for diplomacy sometimes should be put aside and we should show our sincere anger and disgust on this particularly incident para matauhan sila kasi kung hindi, eh talagang mawawala na. Pati palawan baka kuha na nila,” ayon kay Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri, Senate President.

Para sa ilang mambabatas, dapat na itong talakayin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sa kanyang state visit sa Beijing sa Enero para maiwasan na na maulit ang kaparehong insidente sa hinaharap.

Ayon kay Senate Minority Leader Aquilino Koko Pimentel, ang executive branch dapat ang gumawa ng konkreto at praktikal na aksyon kaugnay ng sitwasyon sa West Philippine Sea.

Para kay sen. Tolentino, dapat din aniyang makipag kaisa ang Pilipinas sa iba pang claimant countries para mas mabigyang ngipin ang pagpapatupad sa 2016 arbitral ruling.

Una na ring nagpahayag ng pagkabahala ang Department of National Defense sa pagdami ng Chinese vessels sa  Iroquois Reef at Sabina Shoal.

Ayon naman sa Department of Foreign Affairs, hinihintay pa anila ang official reports kaugnay nito kung saan ibabase ang gagawing diplomatic action.

Gayunman, naniniwala din ang mga senador na dapat nang palakasin ang pagasa island gaya ng pagtatayo ng mga eskwelahan at iba pang imprastraktura. Ganoon din ang pagpapalakas sa mga mangingisda gaya ng pagbibigay ng mas malalaking bangka.

Harlene Delgado | UNTV News

Tags: