Ilang personal na impormasyon sa National ID, optional sa mga card holder — PSA

by Erika Endraca | December 13, 2019 (Friday) | 10851

METRO MANILA – Nais solusyunan ng gobyerno sa pagsasabatas ng Philippine Identification System (Philsys) ang pagkakaroon ng isang opisyal na National ID ang bawat Pilipino na sentralisado upang mas mapadali ang mga pampubliko at pribadong transaksyon.

Ilan sa mga pwedeng paggamitan nito ay mga benepisyo sa gobyerno; pagkuha ng pasaporte at driver’s license; pagbabayad ng buwis; pag-enroll sa mga pampublikong eskwelahan at ospital; pagbubukas ng account sa bangko;

Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) nauna nang sumang-ayon dito dahil malaking tulong aniya ito sa seguridad ng bansa kontra sa mga terorista. Ganoon din ang Philipine National Police (PNP) na balak ding ikonekta sa magiging database ang kanila national crime information service kung saan nakalista ang mga criminal record ng bawat indibidwal.

Pero may mga ilang grupo ang may agam-agam dahil maaari umanong makompromiso ang mga personal na impormasyon. Paglilinaw ng Philippine Statistics Authority (PSA), wala aniyang dapat ikabahala ang publiko dahil maraming safeguards na ipinatutupad ang ahensya sa pag-iimplementa ng National ID.

Ayon kay Deputy National Statistician Attorney Lourd Dela Cruz, maaari rin namang hindi ibigay ng isang indibidwal ang lahat ng kanyang personal na impormasyon. Ilan lamang sa mga impormasyon na isasama sa National ID ay buong pangalan; petsa at lugar ng kapanganakan; kasarian, adres, at blood type.

Kasama rin ang biometric information katulad ng front facing photograph, full set ng fingerprints at iris scan. Paglilinaw ni Dela Cruz, magagamit pa rin ang mga government IDs katulad ng GSIS at SSS para sa mga transakyon nito.

Sa july 2020 sisimulan ang mass registration para sa Philippine ID System. Pero, maaaring hindi makumpleto ang 14-M Pilipino na target mairehistro sa susunod na taon dahil sa kakulangan sa pondo. Ayon sa PSA, P5.7-B ang kinakailangan sa susunod na taon.

Pero P2.4-B lamang umano ang naka-allocate sa Philsys sa 2020 proposed budget ng National Economic And Development Authority (NEDA) na kaya lamang makapagrehistro ng mahigit na 6-M Pilipino o halos kalahati ng 14-M na target sa 2020.

Kinukumpirma pa aniya ng PSA ang report sa kanilang ahensya na P3-B lamang ang kabuaang nailaan para sa Philsys sa mismong P4.1-T  2020 proposed national budget na inaprubahan na Kahapon (Dec 12)  ng Senado at Kongreso.

Sa kabila nito, pagtitiyak ng PSA, magpapatuloy ang programa kung saan target na mairehistro ang mahigit 100-M Pilipino sa kalagitnaan ng 2022.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,