Ilang paraan upang maiiwas sa pagkalulong sa video games ang mga bata, ipinahayag ng ilang psychologist

by Radyo La Verdad | June 20, 2018 (Wednesday) | 9935

Inaabot ng limang oras sa paglalaro ng video games noon si EJ, aniya nakaka-adik talaga ang paglalaro lalo kapag maganda ito.

Ayon sa nanay ni EJ, binabantayan niya ang oras sa paglalaro ng kaniyang anak lalo na at umpisa na ng klase nito bukas.

Nagkalat ngayon sa youtube ang mga video ng mga magulang na sinisira ang mga computer ng kanilang mga anak dahil sa sobrang paglalaro ng video games.

Naalarma ang World Health Organizaton (WHO) dahil sa tumataas na bilang ng kaso ng gaming addiction kung kayat itinuturing na ito ng WHO bilang isang sakit o mental health disorder.

Pero ayon sa WHO, maaari pang maagapan ang isang taong nalululong sa gaming addiction.

Kailangan lang matukoy ang mga sintomas upang agad itong masolusyunan, kabilang dito ang kawalang gana sa pagkain, hindi makatulog o madalas napupuyat, poor hygiene, naaapektuhan na ang kalusugan at tinatawag na withdrawal symptoms.

Ang payo ni Dr. Camille Garcia na isang psychologist, disiplinahin ang anak sa oras ng paggamit at paglalaro ng videogames. Hikayatin rin ang bata na maki-socialize sa mga kaibigan nito at huwag pabayaang nakakulong lamang sa kwarto at naglalaro.

Ayon sa WHO, isasama na nila sa international classification of diseases ang gaming addiction sa susunod na taon.

Maihahanay na ang gaming addiction sa gambling addiction at iba pang mental disorder.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,